Nagpalabas na kahapon ng desisyon ang Korte Suprema kaugnay sa kaso ng estafa na nag-ugat sa pustahan ng isang restaurant owner at isang congressional consultant hinggil sa kung mananalo si Bongbong Marcos bilang senador noong 1995 elections.
Sa anim na pahinang desisyon ng SC 1st division sa panulat ni Justice Angelina Sandoval Gutierrez, idineklara ng korte na “guilty beyond reasonable doubt” ang consultant ni Congressman Antonio Cuenco na si Roland Veloso sa kasong estafa na isinampa ng may-ari ng Shangri-la Finest Chinese Cuisine na si Ramon Sy Hunliong.
Batay sa pustahan ng dalawa, kapag nanalo si Bongbong bilang senador ay magpapakain si Veloso para sa 10 tao habang si Ramon Sy naman ang maglilibre sa mga ito kung matatalo ang naturang kandidato.
Natalo sa pustahan ang nabanggit na restaurant owner kaya nagpahanda ito ng isang lamesa para sa 10 katao gaya nang napag-usapan nila ni Veloso.
Subalit, nang nasa restaurant na ang grupo ni Veloso ay nagpadagdag pa ito ng apat na lamesa. Nang sinisingil na ito ng halagang P11,391 para sa karagdagang lamesa ay tumanggi ito at iginiit na bisita lamang siya ng may-ari ng nasabing restaurant.
Umabot ang singilan hanggang sa QC Metropolitan Trial Court na nagde sisyon pabor sa restaurant subalit sa halip na magbayad kaagad ay umapela si Veloso sa QC RTC, Court of Appeals, hanggang sa Korte Suprema kaya umabot ang kaso ng halos 13 taon.
Nagkakaisa naman ang mga nasabing korte sa kanilang desisyon na dapat bayaran ni Veloso ang sinisingil na halaga ng restaurant kasama ng taunang interes nito mula noong 1995 at pinagbabayad rin ng P10,000 attorneys fee. (Gemma Amargo-Garcia)