Mariing kinondena ng environmentalist group na Greenpeace ang plano ng pamahalaan partikular ng Senado na maratipikahan ang Japan-Philippines Economic Partnership Agreement (JPEPA) sa bansa.
Ayon kay Greenpeace Southeast Asia Toxics Campaigner Beau Baconguis, hindi dapat payagan ng sambayanang Pilipino na maaprubahan ang JPEPA dahil magiging tapunan lamang ng basura ng Japan ang Pilipinas.
Ang hakbang ay ginawa ng naturang grupo nang sabihin ni Sen. Mar Roxas, chairman ng Senate Committee on Trade and Commerce na siya ay isa sa nagtataguyod para sa ratipikasyon ng JPEPA.
“It would be a mistake for the Senate to ratify the JPEPA. Senator Roxas himself admits that ‘there is not much gain that is inherent in the treaty.’ The toxic waste provisions in the JPEPA, in contrast, are inherent in the treaty. In short, benefits remain to be seen, but the toxic threats it presents are real and cannot be ignored by the Senate,” ayon pa kay Baconguis.
Tinagurian pa ng naturang grupo ang JPEPA na isang rotten treaty kaya dapat na isnabin ng Senado ang kasunduang ito at bagkus ay ratipikahan ang Basel Ban Amendment na magbibigay proteksiyon sa bansa mula sa pagpasok ng lahat ng uri ng hazardous waste trade.
Habang ang JPEPA ay walang magandang benepisyo sa bansa, ilan sa probisyon pa nito ay nagbubukas sa Pilipinas sa shipments ng mga toxic and nuclear wastes kasama na ang mga nagamit na diapers, incinerator ash, at radioactive nuclear waste.
Una nang nagpakita ng mga ebidensiya ang Greenpeace noong nakaraang taon na nagpapakita na ang Japan ay agresibong matuloy ang trade agreements sa mga bansang Asya tulad ng Pilipinas.
“Japan already exports goods to the Philippines, which, although not declared as waste, are highly toxic and are illegal under the Basel Ban Amendment. These wastes are disguised as recyclables but eventually end up in our dump sites, contaminating our groundwater, air and soil. The JPEPA will open the floodgates to even more of this underhanded trade,” paliwanag ni Baconguis.
Sinabi pa nitong dapat isaisip ng Senado partikular ni Roxas na unahin ang kapakanan ng taumbayan at protektahan ang kalusugan ng mamamayan sa pamamagitan ng pagtanggi na maratipikahan ang JPEPA.
Nauna nang ipinahayag ng ilang senador na posibleng maratipikahan ang JPEPA dahil malaki ang mawawala sa Pilipinas kung hindi ito mapagtitibay. (Angie dela Cruz/Malou Escudero)