Nanindigan ang pamunuan ng National Statistics Office na itutuloy nila ang pag sasailalim sa seminar sa mga pari na magkakasal bilang rekisitos sa pagbibigay ng sakramento sa mga ikakasal.
Ayon kay NSO Administrator Carmelita Ericta, may kamalian sa pag fill up sa marriage certificate forms at kaguluhan sa “instant marriage” ministers kaya dapat na magkaroon ng pagtutuwid dito sa pamamagitan ng pagpapatupad ng seminar para dito.
“Walang problema sa kasal ng Katoliko maliban sa maling pag-fill-up ng marriage certificate. May mga 55,000 na mali ang entries, isa yan sa tinuturo sa seminar. Di yan tinuturo sa seminaryo, ”paliwanag ni Ericta.
SInabi ni Ericta na ipagpapatuloy ng NSO ang pagpapatupad ng seminar sa Pebrero 12 at 14 para sa mga pari sa Archdiocese of Manila. Anya, ang ahensiya ay nakapagsanay na ng may 4,000 pari sa buong bansa at ang seminar ay may halagang mula P900 hanggang P2,400.
Sinabi ni Ericta na isinagawa ang seminar dahil may mga instant marriage minister na nagbebenta ng kanilang serbisyo. Tumatambay anya ang mga minister na ito sa mga city hall at mag-aalok ng kasal sa mga magkasintahan. “Iniimbestiga namin kung may simbahan o congregation, nadiskubre namin, ginagawa itong kalakal,” dagdag ni Ericta
Anya, ang seminars ay magsisilbing daan sa pagitan ng mga pari at NSO na maresolba ang ganitong problema.
Sa kanyang panig, sinabi ni Fr. Ariston Sison Jr, parish priest ng Hearts of Jesus Parish sa Quezon City na ang seminar ay maaaring maging isang araw lamang at siya anya ay nakadalo na sa isa sa mga seminars sa Cubao.
“Ang binigay nila for two days kayang ibigay sa isang araw. Marami sa tinuro nila, pag-file, mali ang data..kaming legitimate Catholic priests, dalawang buong araw are a waste of time,” pahayag ni Sison. (Angie dela Cruz)