Mahigit P30 milyong halaga ng mga cellphones at iba’t ibang electronic products ang kinumpiska ng Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) sa pangunguna ni Undersecretary Antonio Villar Jr. sa isang electronic warehouse sa Greenhills, San Juan at isang mall.
Sinalakay ang Jafer’s Place sa Einsenhower St., Greenhils at Mr. Dynamic telephone store sa 3rd floor ng Vira Mall sa Greenhills shopping complex na pag-aari ng isang Chester Tan.
Sinabi ni Usec. Villar, pawang mga smuggled ang nilalaman ng warehouse at ang Dynamic telephone store na nagkakahalaga ng P30 milyon.
“We are sending a signal to those engaged in the smuggling of electronics products that we mean business. They should engage in business legally or PASG will be at their tails,” paliwanag pa ng PASG chief.
Inatasan ni Villar si PASG-SIS chief Benny Kho upang manmanan ang iba pang mga establisimento na posibleng sangkot sa illegal importation ng mga electronics products para maproteksyunan naman ang mga lehitimong negosyante na nagbabayad ng tamang buwis sa pamahalaan. (Rudy Andal)