18 sibilyan lusot sa rebelyon
Inabswelto kahapon ng Makati Regional Trial Court (MRTC) ang 18 sibilyan na unang kinasuhan ng rebelyon kaugnay sa November 29
Sa 18-pahinang desisyon, inutos ni Judge Elmo Alameda ng MRTC Branch 150 ang agarang pagpapalaya sa 18 na kinabibilangan nina running priest Fr. Robert Reyes, dating vice president Teofisto Guingo, anak nitong si Marie, ex-UP Prof. Francisco Nemenzo, Bishop Julio Labayen, Bibeth Orteza, Antonio Trillanes III na kapatid ni Senator Antonio Trillanes IV, mga abogado ng Magdalo soldiers na sina JV Bautista at Argee Gue varra at iba pa mula sa pagkakapiit ng mga ito sa Camp Crame. Iniutos din ng korte sa mga awtoridad ang agarang pagbura sa mga pangalan ng nasabing mga sibilyan na napabilang sa nasampahan ng rebellion case.
Nabatid na kinatigan ng korte ang apelang isinumite noong Lunes nina Fr. Reyes at ilang mga kasamahan nito na i-abswelto sila sa kaso na isinampa ng PNP-CIDG matapos na walang makitang probable cause o legal na basehan ang korte para usigin ang nasabing mga sibilyan sa nasabing kaso.
“The court found no probable cause for the indictment of the civilians for rebellion,” saad sa nasabing kautusan.
Nabigo rin umano ang kapulisan na tukuyin kung ano talaga ang naging partisipasyon ng mga ito sa Manila Pen siege na pinamunuan ni Sen. Antonio Trillanes 1V, kasamahan nitong Magdalo soldiers at ni Brig. Gen. Danilo Lim.
Wala rin umanong pulidong ebidensiyang maipapakita sa korte ang PNP-CIDG na siyang nagsampa ng reklamo laban sa nasabing mga sibilyan na mag-uugnay sa mga ito sa kasong rebelyon.
Nakasaad pa sa kautusan na tanging sina Trillanes, Lim at ang mga sundalong Magdalo lamang ang nararapat na usigin sa nasabing kaso makaraang manawagan ang mga ito sa publiko na samahan sila sa kanilang ipinaglalaban para pababain sa pwesto si Pangulong Arroyo.
Hindi rin umano sapat na ebidensiya o hindi porke’t nasa Manila Pen ang nasabing mga sibilyan nang mangyari ang standoff ay nangangahulugan na maaari na silang kasuhan ng rebelyon dahil wala naman raw nakuhang “sound bytes” o mga katagang inanunsiyo sa publiko ang 18 sibilyan laban sa pamahalaan.
- Latest
- Trending