Posters ni Faeldon ikinalat, warrant of arrest inilabas
Nagpalabas na kahapon ng warrant of arrest si Judge Oscar Pimentel ng Branch 148 ng Makati Regional Trial Court (MRTC) laban sa pumugang miyembro ng Magdalo na si Marine Capt. Nicanor Faeldon.
At upang matiyak na hindi na makapagtatago sa batas, ipinakalat na rin kahapon ng Philippine National Police (PNP) ang posters ni Faeldon at anim na iba pang kasapi ng Magdalo na tumakas sa Manila Peninsula siege sa Makati City noong Nobyembre 29.
Dahil sa warrant of arrest laban kay Faeldon ay itinuturing na ito ngayon ng awtoridad na isang “wanted” sa batas.
Sa panayam kay Atty. Trixie Angeles, abogado ni Faeldon, hindi na nila hinarang pa ang pagpapalabas ng warrant of arrest laban sa kanyang kliyente dahil mas mainam na maaresto ito para masiguro ang kaligtasan nito.
Sinabi pa ni Angeles na base kasi umano sa nakarating sa kanilang impormasyon, pabalik na umano ng Marine Headquarters sa Fort Bonifacio si Faeldon dakong alas-2 ng hapon sa kasagsagan ng Manila Pen standoff at mula noon ay hindi na nakita pa.
Lubusang nag-alala naman umano si Angeles na posibleng may bumihag kay Faeldon at pinapalabas lamang na tumakas ito.
Magugunitang nakita pa si Faeldon na kasama nina Sen. Antonio Trillanes 1V na nagmamartsa sa kahabaan ng JP Rizal Avenue patungong Manila Peninsula Hotel makaraang mag-walkout ang Magdalo soldiers sa korte noong November 29.
Matapos ang mahigit sa anim na oras na standoff sa
Nabatid na si Faeldon bukod pa kay Trillanes ay itinuturing na isa sa “5 hard core” leader ng Magdalo.
Maliban kay Faeldon, pinaghahanap din sina Army T/Sgt. Elmer Colon, ang sundalong naka-wig sa standoff sa Manila Peninsula; Marine SSgt. Noel Aggalut; Marine Cpl. Jerson Alabata; Marine Private First Class Monchito Lusterio; Josil Regulacion; at Abraham Apostol.
Nauna nang nagpalabas ng P1-M reward ang pamahalaan para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa ikadarakip nina Faeldon. (Rose Tamayo-Tesoro/Joy Cantos)
- Latest
- Trending



















