Singil sa ancillary services sa Visayas pinasisilip

MANILA, Philippines — Pinasisilip ni Rep. Javier Miguel Benitez ng Negros Occidental ang halagang binabayaran ng mga konsumer ng kuryente sa Visayas para sa ancillary services o reserbang kuryente na nagsisilbing pananggalang upang manatiling matatag ang power grid.
Sa House Resolution 1430, hiniling ni Benitez sa Committee on Energy na imbestigahan ang naturang usapin matapos iulat ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na tumaas ang nationwide ancillary services rate mula P0.7941 hanggang P1.0391/kWh para sa billing period ng Hulyo 2026—katumbas ng 30.85% pagtaas. Ipinasa ang dagdag na singil sa mga consumer sa kanilang bill noong Agosto.
Hinihiling ng resolusyon na ilabas ang partikular na singil para sa Visayas at ang pagbabago nito buwan-buwan mula Enero hanggang Agosto 2026.
Ayon kay Benitez, nakolekta ang mga singil na ito sa parehong panahon na paulit-ulit na nakaranas ng red alert ang Visayas Grid, na nagsimula sa unang red alert nito noong Mayo 13, 2026.
Inaatasan ng resolusyon ang komite na magrekomenda ng mga hakbang para matiyak ang malinaw at transparent na mga singil, irekomenda sa ERC na alamin kung nararapat ang pagbabalik ng ibinayad ng mga consumer, pagtanggi sa ilang gastusing hindi dapat isama sa singil, o pagpapataw ng mga parusa.
- Latest

























