12 kinasuhan ng PASG sa oil smuggling

Inirekomenda ng Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) sa Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa 12 katao kabilang ang apat na em­pleyado ng Bureau of Customs kaugnay ng multi-milyong smuggling ng la­ngis sa Subic Bay Free­port.

Ayon kay PASG Head Undersecretary Antonio “Bebot” A. Villar, Jr., ang pag­­sasampa ng reklamo ay batay sa isinagawang investigation ng PASG chief for operations at NBI Deputy Director Atty. Edmund Arugay kung saan napatunayang dinaya ng mga suspek ang pama­halaan sa pamamagitan ng hindi pagbabayad ng buwis.

Ang mga inireko­men­dang kasuhan ay sina Paul Co, chairman ng Oillink International Corp.; Esther Magleo, president ng Oil­link; Janice Co, finance-import manager ng Oillink; Johnny Tan ng Oillink; Rolando Valeriano ng Trail Blazer Integrated Brokerage Corp.; Noel Aro ng RNN shipping and transport agency; Manuel Tan at Manuel de Guzman ng Marine inspection and testing services; Delia Morala Jose Bernas, Miguelito Legaspi at Julian Gabriel ng Bureau of Customs.

Sinabi ni Director Aru­gay, nagsabwatan ang mga suspek upang mapa­lusot at maging undervalue ang may 26,508.50 metric tons ng langis kung saan ay 12,657.41 lamang ang kanilang binayarang buwis nitong Pebrero 19 sa Subic Bay Freport.

“We will pursue this case to the hilt until all those behind this scam is unmasked and put where they rightfully belong—behind bars,” wika pa ni Usec. Villar. (Rudy Andal)

Show comments