Pag-ilit sa yaman ni Erap haharangin
Iginiit ni dating Pangulong Joseph Estrada sa Sandiganbayan na itigil na nito ang forfeiture proceedings na ginagawa para makumpiska ng pamahalaan ang kanyang ari-arian na hindi naman kasama sa mga kinukuwestyon sa kanyang anim na taong plunder trial.
“The decision says forfeiture, it refers to specific property. The P545 million allegedly from jueteng operations, P189 million from the Jose Velarde account and Boracay mansion. They cannot go beyond what’s not been stated in the judgment,” sabi ni Atty. Jose Flaminiano.
Napag-alaman na nagsampa ng motion to quash writ of execution ang mga abogado ni Estrada kung saan hiniling nila na mag-hearing sa Nobyembre 16 para mapatunayan nilang labag sa kautusan ng korte ang pagkuha sa ibang ari-arian ni Erap.
Nais ng kampo ni Estrada na mag-isyu ang korte ng temporary restraining order (TRO) para mapigilan si Sandiganbayan Sheriff Ed Urieta na ipatupad ang seizure order.
Pero ayon kay Atty. Renato Bocar, tagapagsalita ng Sandiganbayan, itutuloy pa rin nila ang pag-kumpiska sa mga ari-arian ni Erap hangga’t walang ilalabas na TRO. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending
















