Ginastos ng kandidato pinasusumite ng Comelec
Pinagsusumite ng Comelec ng “statement of contributions and expenditures” ang mga kumandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan, nanalo o natalo man ang mga ito sa katatapos na eleksiyon.
Ayon kay Comelec Spokesman James Arthur Jimenez, itinakda ng komisyon ang paghahain ng nasabing report ng mga naging election contribution at expenditures ng mga kandidato simula kahapon (Okt. 30) hanggang sa Nobyembre 28. Maaaring isumite ito sa mga elections officer na nakakasakop sa kanilang lugar.
Nilinaw ni Jimenez na nanalo man o natalo ang kandidato sa nakalipas na halalan kamakalawa ay kinakailangang magsumite ang mga ito ng kanilang buo, tunay at “itemized” na statement ng naging kontribusyon at mga pinagkagastusan sa Comelec.
Aalamin ng Comelec kung ang mga kumandidato ay sumunod sa kanilang regulasyon.
Una nang inihayag ng Comelec na bawat kandidato ay dapat na gumastos lamang ng P3 sa bawat rehistradong kandidato sa kanilang barangay.
Giit ni Jimenez, pagmumultahin at parurusahan ang sinuman na mabibigong magsumite ng kanilang statement of contributions and expenditures ngunit mas magiging mahigpit umano ang parusa sa mga nanalong kandidato dahil hindi makakaupo ang mga ito sa kanilang pwesto.
Alinsunod sa Comelec en banc Resolution 8320, lahat ng kandidato ay dapat na magsumite ng kanilang report sa kanilang election officers na siya namang magsusumite ng duplicate copy nito sa Comelec main office sa Intramuros, Maynila sa huling araw ng paghahain ng report.
Kinakailangan umanong ang ulat ay suportado ng mga resibo at iba pang dokumento na pinanumpaan ng kandidato. (Doris Franche)
- Latest
- Trending