^

Bansa

JDV III  vs Abalos bukas

- Nina Malou Escudero at Rudy Andal -

Kung tutupad sa kan­yang pangako si Commission on Elections Chairman Benjamin Abalos, inaasa­hang magkakaharap sila bukas  ng negos­yanteng si Jose “Joey” de Venecia III sa  pag­papatuloy ng imbesti­gasyon ng Senado sa kontrobersyal na $330 milyong national broadband network project na kinontrata ng pama­halaan sa ZTE Corp. ng China.

Kasama pa sa mga inimbitahan sa Senado sina First Gen­tleman Juan Miguel Arroyo, Commission on Higher Education Chairman Romulo Neri, at Jimmy Paz, chief of staff ni Abalos.

Si Abalos ang sina­sabing nagsulong para makuha ng ZTE Corp. ang kontrata para sa pagtatayo ng  NBN at ito rin ang inakusahan ni de Venecia na nagtang­kang manuhol sa kanya ng $10 milyon kapalit ang pag-urong ng Ams­terdam Holdings Inc.  ng interes para makuha ang proyekto.

Si de Venecia na anak ng Speaker ng mababang kapulungan ng Kongreso ang isa rin sa may-ari rin ng AHI. Ibinunyag niya na humi­hingi umano si Abalos ng $130 milyong kickback sa proyekto.   Ina­lok din ni Abalos ng $10 milyon si de Venecia para huwag sumali sa bidding sa proyekto. Pinabulaanan ni Abalos ang akusasyon.

Samantala, hindi pa sigurado kung makaka­sipot ang Unang Ginoo sa pagpapatuloy ng pagdinig dahil hindi pa ito bumabalik mula sa Hong Kong. Si Neri na­man ay napabalitang bibitbitin ni Pangulong Gloria Arroyo sa kan­yang pagtungo sa Es­tados Unidos.

Sa nakaraang hearing ng Senado, sinabi ng batang de Venecia na sumipot siya sa hearing upang makaharap si Abalos pero hindi ito dumating.

Nauna rito, nangako si Abalos na sisipot sa pagdinig matapos hindi makasipot sa nakara­ang hearing.

Sinabihan umano ng Unang Ginoo ang ba­tang de Venecia ng “back-off” upang paat­rasin ang kompanya nito sa pagpupursige ng ka­nilang kontrata sa NBN.

Pero napaulat kaha­pon na nagpaabot ng mensahe ang Unang Ginoo sa Senado na hindi ito makakarating.

Kaugnay nito, nanini­wala naman si Sen. Richard Gordon na maa­aring maabsuwelto si First Gentleman Jose Miguel Arroyo sa pag­kakasangkot nito sa NBN deal dahil walang ebidensya laban dito.

Nauna rito, sinabi ni Senate President Ma­nuel Villar na nagdada­lawang-isip sila kung pa­dadalhan ng subpoena ang Unang Ginoo dahil sa kalusugan nito at kagagaling lang sa sakit.

Sa kaugnay na ulat, posib­leng hindi na matu­loy ang NBN project gayundin ang Cyber Education Project, ayon sa isang Malacañang official­.

Sinabi ni Press Secretary at Presidential Spokesman Ignacio Bunye na  nakapagde­sisyon na ang Pangulo sa pagsuspinde sa pro­yekto dahil sa ingay sa pulitika rito.     

Sinabi naman ni Executive Secretary Edu­ardo Ermita na nais nang kanselahin ng Pangulo ang NBN deal bago ito magtungo sa APEC meeting sa Australia. Tahimik din an­yang iniimbestigahan ng Malakanyang ang sina­sabing suhulan dito.

ABALOS

SENADO

SHY

UNANG GINOO

VENECIA

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with