Magmumukhang mga Katipunero na ang mga traffic enforcers ng Metropolitan Manila Development Authority sa oras na maipatupad na ni MMDA Chairman Bayani Fernando ang planong armasan sila ng mga gulok o itak bilang proteksiyon habang nagpapatupad sila ng kanilang tungkulin sa mga lansangan.
Naniniwala si Fernando na igagalang na ng mga pasaway na driver ang kanilang mga traffic enforcers sa oras na makita nilang mas mahaba ang dalang itak ng mga ito kumpara sa kanilang ice pick at tubo na karaniwang armas ng mga tsuper.
Pabiro pang winika ni Fernando na mas maganda sana kung totoong may “laser sword” na tulad ng ginagamit sa pelikulang Star Wars na maipagagamit sa mga enforcers upang mas maging epektibo ang pagtugis nila sa mga pasaway na drayber.
Ayon kay Fernando, minsan na niyang naipatupad ito sa kanilang mga traffic enforcers noong siya pa ang alkalde ng Marikina City kung saan tumino ang mga matitigas ang ulong mga tsuper at naging maayos ang daloy ng trapiko sa kanilang lungsod.
Sa ngayon aniya ay idinadaan na lamang nila sa dami ng mga enforcers na kumukuyog sa pasaway na driver upang hindi naman maagrabiyado ang kanilang tauhan na tumutupad lamang sa kanilang tungkulin subalit kadalasan ay nasasaktan pa o napapatay.
Gayunman, hindi naman aniya sa lahat ng lugar sa Kamaynilaan ay puwedeng magtalaga ng maraming enforcers dahil kapos din sila sa mga tauhan kaya ang pagbibigay sa kanila ng itak upang magamit sa pagtatanggol sa sarili ang naisip nilang paraan.
Naniniwala si Fernando na hindi na babastusin ng mga pasaway na driver ang kanilang mga enforcers kapag nakita nilang may nakasukbit na mahabang itak ang mga ito sa kanilang baywang.
Sa ngayon aniya ay halos bastusin at minsan ay sinasaktan pa hindi lamang ng mga driver kundi maging ng mga barker ang kanilang mga enforcers habang tumutupad sa kanilang tungkulin.