Tinutulan ng mga senador kasama na ang mga kaalyado ni Pangulong Arroyo ang panukalang bigyan ng emergency powers ang Presidente sa harap ng lumulubhang krisis sa tagtuyot.
Ayon kay Senate President Manny Villar, hindi karagdagang kapangyarihan ang kailangan ng Pangulo kundi pera na ipambibili ng mga karagdagang pasilidad at equipment.
“Nasaan na ang sinasabi ni Pangulong Gloria Arroyo sa kanyang State of the Nation Address na ‘she can be as strong as she can be?” tanong ni Villar.
Nangangamba tuloy si Sen. Francis Escudero na posibleng gawa-gawa lamang ang nakaambang krisis sa enerhiya at ginagamit lamang ito upang ma-exempt sa bidding process ang mga papasuking kontrata ng gobyerno hinggil sa eherniya.
Hanggang ngayon, nasa kritikal na lebel pa rin ang tubig sa mga dam at hindi rin kasing epektibo ang isinagawang cloud seeding.
Dahil hindi napapakinabangan ang hydropower plants, nagbabantang magkaroon ng krisis sa enerhiya.
Sabi ni Executive Secretary Eduardo Ermita, kapag nangyari ito, hihingi ang gobyerno ng emergency powers sa Kongreso.
Ayon kay Ermita, kailangan daw ng Pangulo ng special powers lalo na sa pagbili ng energy materials na tulad ng coal para sa power plants.
Inutusan na ng Pangulo ang Napocor na madaliin at damihan ang pagbili at pag-iimbak ng coal para masigurong may reserba sakaling tumagal pa ang tagtuyot.
Pero tiniyak ni Ermita na nakahanda ang mga ahensya ng gobyerno at may sapat na pondo ito para rumesponde sa krisis.
Gayunman, hinihingi pa rin nito ang kooperasyon at tulong ng publiko, lalo na sa pagtitipid ng tubig.