Rod Strunk nag-suicide!
Mistulang mababaon na rin sa hukay ang kaso ng pagpaslang sa beteranang aktres na si Nida Blanca matapos magpakamatay ang dati nitong asawang si Roger “Rod” Lauren Strunk, 68.
Sa report ng local na pahayagang Tracy Press sa California, USA, tumalon si Strunk sa second floor ng balkonahe ng kanyang kuwarto sa Tracy Inn sa California nitong Miyerkules.
Ayon sa pulisya, bumagsak si Strunk sa parking lot una ang ulo, kung saan natagpuan siya ng isang babae na duguang nakahandusay at wala ng buhay bandang 11:30 ng umaga.
Gayunman, inihayag ng National Bureau of Investigation (NBI)-Interpol at Department of Justice (DOJ) na wala pa silang natatanggap na ulat hinggil sa insidente na sa TV at internet lamang anila naglabasan.
Maging ang anak ni Nida na si Kaye Torres ay tumangging magbigay ng komento hangga’t hindi pa nila nakukumpirma ang ulat.
Matatandaang idinawit si Strunk ng isa pang akusadong si Philip Medel, na siya umanong mastermind sa pagpatay sa aktres noong Nobyembre 2001 sa Atlanta building, Pasig. Si Medel ay kasalukuyang nakapiit sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan,Taguig.
Napunta sa
Noong Mayo 2003 ay inaresto si Strunk ng mga ahente ng Federal Bureau of Investigation (FBI) sa bahay nito at ipiniit sa Sacramento County Jail habang dinidinig ang extradition case laban dito.
Subalit noong Nobyembre ay pinalaya si Strunk matapos mabigo ang prosecutor ng gobyerno ng Pilipinas na magbigay ng karagdagang ebidensya na magdidiin dito laban sa kinakaharap na kaso.
Ang kasong murder laban kina Medel at Strunk ay kasalukuyang dinidinig sa Pasig Regional Trial Court (RTC).
Sinabi naman ni Justice Secretary Raul Gonzalez na ‘moot and academic’ na ang lahat dahil mawawalan na rin ng saysay ang ika-2 extradition case na inihain ng DOJ laban kay Strunk at maging ang kasong murder na isinampa laban sa kaniya.
“Now that he’s dead, his extradition [and] murder case are already moot and academic,” ani Gonzalez.
Ayon naman sa isang abogado, sakaling nawalan man ng saysay ang kaso laban kay Strunk, kasong kriminal lamang ang mababasura subalit ang kasong sibil ay magpapatuloy sa pamamagitan ng pagbabayad ng danyos na kukunin sa mga ari-ariang naiwan ni Strunk, sakaling mapatunayang may pananagutan ang nasawi, alinsunod sa Revised Penal Code.
Si Strunk ay nagtatrabaho sa isang Channel 26 bilang camera operator sa Tracy, California bago ito namatay.
Inaalam pa ng mga awtoridad doon kung nagkaroon ng foul play dahil sa pagdududa uma no ng kapatid na babae ni Strunk na posibleng hindi nagpatiwakal ang ka patid.
- Latest
- Trending