Proklamasyon ni Migz nabitin
Muling ipinagpaliban ng Commission on Elections (Comelec) ang proklamasyon ngayong araw ni Team Unity senatorial candidate Migz Zubiri.
Ayon kay Comelec Chairman Benjamin Abalos, nagpasya ang poll body na iurong ang proklamasyon ni Zubiri matapos silang makatanggap ng notice mula sa Supreme Court na itinakda na ang oral arguments sa darating na Biyernes, alas-10 ng umaga, tungkol sa pe tisyon ni Genuine Opposition candidate Koko Pimentel na pumipigil sa proklamasyon ni Zubiri.
“Out of judicial courtesy kaya nagdesisyon kami na iatras ang proklamasyon,” ayon pa kay Abalos.
Inatasan din ng SC ang Comelec na magsumite ng kanilang comment bago alas-3 ng hapon bukas kaugnay sa panibagong mosyon ni Pimentel.
Hiniling Koko sa SC na magpalabas ito ng TRO o status quo order upang mapigilan ang Comelec na magproklama ng ika-12 senador upang mabigyan siya ng pagkakataon na kuwestyunin ang Maguindanao votes.
Sinabi pa ni Pimentel sa kanyang petisyon sa High Court na kung sakaling iproklama ng Comelec si Zubiri ay hiniling nitong magpalabas ang SC ng status quo order.
Hindi naman nagpalabas ng TRO ang SC, sa halip ay itinakda ang oral argument.
Una rito, umapela ang abogado ni Zubiri na si George Garcia sa NBOC para iproklama ang kanyang kliyente, matapos na igiit nito na lamang na si Zubiri ng 18,372 boto laban kay Pimentel.
- Latest
- Trending