Bantay sarado ngayon ang Genuine Opposition (GO) laban sa posibleng dagdag-bawas operation upang ilaglag sa Magic 12 ang tatlo nilang kandidato na nasa 9, 11 at 12 slot.
Ayon kay GO re-electionist Sen. Panfilo “Ping “ Lacson, dahil sa maraming pagtatangka ng kanilang kalabang kampo na bawasan ang boto ng kanyang mga kasamahang kandidato na sina Alan Peter Cayetano, Antonio Trillanes IV at Aquilino “Koko “ Pimentel III ay kailangan ang todong pagbabantay sa canvassing.
Nabatid kay Ping na may 200,000 pang boto ang hindi nabibilang sa Shariff Kabunsuan, ang bagong tatag na lalawigan sa Mindanao kaya kailangan itong maprotektahan para mapunta sa kandidatong totoong ibinoto ng taumbayan.
Sinabi ni Ping na regular siyang nakikipag-koordinasyon sa kanilang mga kaalyado sa pulitika sa Mindanao para mabantayan ang boto nina Alan, Koko at Trillanes.
Sina Pimentel, Trillanes at Cayetano ang mga tinaguriang markadong target para sa huling operasyon ng dagdag bawas operation para tuluyang ilaglag sa Magic 12. (Joy Cantos)