Kiko tsugi sa ‘GO’

Posibleng mapatalsik sa senatorial ticket ng Genuine Opposition (GO) si re-electionist Sen. Francis Pangilinan matapos ihayag nito ang kawalan ng interes na sumama sa grand proclamation rally ng oposisyon ngayong gabi sa Plaza Miranda, Maynila.

Ayon kay dating Sen. Ernesto Maceda, miyembro ng executive board ng GO, kapag nagpasya ang liderato ng GO na alisin sa line-up si Pangilinan ay posibleng ang ipalit nila rito ay ang aktor na si Richard Gomez o Bukidnon Rep. Teofisto "TG" Guingona Jr.

Sinabi ni Sen. Pangilinan, hindi siya pwedeng pilitin ng GO para dumalo at inihayag din nito ang kanyang pagkadismaya sa ginawang pananakot sa kanya ng pamunuan ng GO na papatawan siya ng kaparusahan kapag patuloy na hindi dadalo sa mga aktibidades ng oposisyon.

Sa halos ikatlong linggo ng kampanyahan, patuloy na hiwalay ang kampanya ni Pangilinan sa kabila ng pag-ampon sa kanya ng GO bilang guest candidate katulad ni Senate President Manuel Villar Jr.

Ayon naman kay GO senatorial bet John Osmeña, dapat na kastiguhin si Pangilinan ng Liberal Party na kanyang kinaka-aniban sa ginawa nitong hakbang.

"The Liberal Party (LP) has responsibility to compel Sen. Pangilinan" pahayag ni Osmeña.

Inihayag naman ng pamunuan ng GO na magkakaroon muna sila ng isang executive committee para talakayin nila ang kasalukuyang gusot sa kanilang hanay.

Sinabi ni Atty. Adel Tamano, spokesman ng GO na respetado nila ang desisyon ni Pangilinan at tatalakayin nila ito sa isang pagpupulong.

Ayon naman kay San Juan Mayor JV Ejercito hindi kawalan sa GO si Pangilinan at katunayan marami silang pwedeng ipalit.

Sa panayam kina senatorial bets Loren Legarda at Atty. Koko Pimentel, respetado nila ang desisyon at tuloy ang proklamasyon ngayon kumpleto man sila o hindi.

Nakiusap naman si Pimentel kay Pangilinan na sana ay isama naman ang tiket ng GO sa kanyang pangangampanya katulad ng pagsama nila sa pangalan nito sa kanilang magkakahiwalay na provincial sorties.

Inamin ni Pimentel na ang GO ang nangumbida kay Pangilinan para maging guest candidate at hindi si Pangilinan ang nagsusumiksik sa kanila. (Rudy Andal)

Show comments