Sinasabi ng National Union of Journalist of the Philippines, na sa pagkamatay ng biktimang si Hernani Pastolero Sr. , umaabot na ngayon sa 49 ang bilang ng mga mamamahayag na pinatay mula noong taong 2001.
Sinabi ni Autonomous Region for Muslim Mindanao Police Director Joel Goltiao na nag-eehersisyo si Pastolero, 64, sa likod ng bahay nito sa Barangay Bulalo, Sultan Kudarat, Shariff Kabunsuan nang lapitan at pagbabarilin ng salarin na hinihinalang hired killer.
Dalawang tama ng bala sa ulo ang kumitil sa buhay ni Pastolero na isang radio journalist at editor-in-chief ng Lightning Courier Weekly na kanya ring pag-aari. Nagtrabaho rin siyang editor sa iba pang mga lingguhang pahayagan bago niya binuksan ang Courier.
Naganap ang pagpatay kay Pastolero sa kalagitnaan ng pagsisiyasat ng United Nations sa mga nakakaalarmang extra-judicial killing sa Pilipinas na karamihan ng mga biktima ay mga ma ka-Kaliwang aktibista at mga mamamahayag.
Ilang testigo ang nagsabi sa pulisya na tinatayang nasa 20 anyos pataas ang edad ng suspek na parang walang anumang nangyari na naglakad palayo sa pinangyarihan ng krimen. (Joy Cantos)