Pamamahagi ng bigas sa mga bata, ipauubaya sa Simbahan

Upang maalis ang hinala ng publiko na isang uri ng fertilizer scam ang school feeding program, isinulong ni Sen. Ralph Recto na ang Simbahan na lamang ang mamahala sa distribusyon ng bigas sa mga mag-aaral at sa mga naghihikahos sa buhay.

Ayon kay Recto, vice-chairman ng Senate committee on finance, isusulong niya ang hakbang na ito matapos na irekomenda ni Budget Secretary Rolando Andaya Jr. na ang mga kura-paroko na lamang ang mamahala sa pamamahagi ng mga bigas upang mawala ang hinala ng mga kritiko ng administrasyon na kahalintulad ng fertilizer scam ang school feeding program ng pamahalaan.

Matatandaan na nagkasundo na sina Sen Franklin Drilon, chairman ng finance committee at Albay Rep. Joey Salceda, ng house committee on appropriations, sa pinag-aawayang P 4.7 school feeding program.

Base sa kanilang napagkasunduan, P 2.6 bilyon ang gagastusin bilang pagpapagawa ng mga silid-aralan upang mabawasan ang shortage sa classrooms sa bansa, samantalang ang P2 bilyon ay gagamitin naman sa Malusog na Simula, Yaman ng Bansa Nutrition Program upang maipambili ng gatas, pandecoco at noodles na kakainin ng mga mag-aaral sa pampublikong paaralan imbes na bigas. (Rudy Andal)

Show comments