Sa press briefing ni Supreme Court Chief Justice Reynato Puno, sinabi nito na huwag pakasiguro ang mga mambabatas na nagsusulong ng Con-Ass na sa kanyang termino ay papasa ang nasabing pamamaraan ng pagbabago ng Constitution.
Aniya, hindi nangangahulugan na papaboran din niya ang Con-Ass dahil lamang sa bumoto ito sa pagsusulong ng Peoples Initiative.
"I will not conditioned my vote on the basis of who appointed me," ani Puno.
Ipinaliwanag ni Puno na magkaiba ang issue ng Peoples Initiative at Con-Ass kung saan hindi umano niya hawak ang magiging boto ng iba pang mahistrado kung sakaling tuluyang umakyat ang usapin ng Con-Ass sa Korte Suprema.
Binigyang-diin pa rin ni Puno na ibibigay niya ang kanyang boto sa anumang issue batay sa nilalaman ng Saligang Batas at hindi batay sa ibinubulong ng sinuman.
Una ng sinabi ng ilang mambabatas na nagkaroon umano sila ng bagong kakampi sa Korte Suprema nang i-appoint ni Pangulong Arroyo si Puno bilang bagong punong mahistrado.
Si Puno ang ika-22 punong mahistrado ng SC. Kabilang sa mga isinulat na desisyon ni Puno ay ang pagdedeklara na lehitimo ang pagka-pangulo ni GMA; pagdedeklara na unconstitutional ang Oil Deregulation Law at ang pag-uutos sa Meralco na mag-refund sa mga consumers nito. (Grace dela Cruz)