Ayon kay Sen. Lim, lahat ng mga lupaing pag-aari ng Manila City Hall ay isa-isang ibinenta ni Mayor Atienza kaya hindi na nito ipagtataka kung pati ang Rizal Park ay maibenta. "Balita nga namin, pati Rizal Memorial hinahanapan ng buyer," ani Lim.
Bilang dating alkalde ng Maynila sa loob ng anim na taon, ipinagmalaki ni Lim na wala itong ibinentang lupain o property ng City Hall bagkus nagawa pang bumili para mapakinabangan ng mga Manilenyo, hindi tulad umano ni Atienza na halos ibinenta ang lahat ng mga ari-arian.
Matapos isubasta sa mga kaibigang developers ang ilang eskuwelahan sa Divisoria area, nadiskubreng ipinasusubasta ni Atienza ang makasaysayang Army/ Navy Club sa Luneta Park kung saan walang ibang nagla-lobby kundi ang kaibigang si Simon Paz, may-ari ng Leonel Hauler na solong nakakuha sa kontrata ng basura sa Maynila.
Plano umano itong upahan ni Paz sa mababang halaga sa loob ng 25 taon o P300,000/buwan kung saan iko-convert bilang tennis court at Olympic-size swimming pool. (Rudy Andal)