Sa inilabas na kalatas ng Kilusan ng Mamimiling Pilipino Laban sa Kahirapan (KAMPILAN), dalawang ulit na umano silang nagpadala ng liham kay Agriculture Sec. Arthur Yap hinggil sa nagaganap na cartel sa pag-aangkat at pagbebenta ng sibuyas subalit wala pa ring aksiyon ang naturang tanggapan.
Sinabi ni ret. Commodore Ismael Aparri, pangulo ng Kampilan, ibinulgar na nila ang nagaganap na bentahan ng mga Import Permits ng sibuyas mula P20,000-P40,000 subalit wala silang nakikitang aksiyon upang mapigil ito.
Sa kabila aniya ng pagbaha ng mga imported sa sibuyas, nananatili ito sa napakataas na halagang P100 kada kilo bunga na rin ng pagmanipula ng mga piling importers at traders na kumokopo sa industriya.
Ipinaliwanag pa ng grupo na kahit i-ban ng pamahalaan ang pag-aangkat ng sibuyas, pabor pa rin ito sa mga tiwaling traders at importers dahil iniimbak nila ito sa malalaki nilang bodega at unti-unti lamang ang pagbebenta para mapanatili ang mataas na presyo. (Lordeth Bonilla)