Atong Ang susunduin na sa US

Tumulak na kahapon ang mga opisyales at ahente ng National Bureau of Immigration (NBI) sa Estados Unidos upang sunduin ang kontrobersiyal na si Charlie "Atong" Ang.

Nabatid na lumipad na kamakalawa ng gabi sina Deputy Director Reynaldo Esmeralda, Interpol chief Atty. Claro de Castro, Jr. patungong Las Vegas, Nevada upang sunduin si Ang matapos na ipag-utos ng US court ang extradition nito pabalik ng Pilipinas. Agad na ididiretso si Ang sa NBI upang isailalim sa imbestigasyon.

Pero kung si Justice Sec. Raul Gonzalez ang masusunod ay mas marapat makulong si Ang sa New Bilibid Prisons dahil ito raw ang maituturing na pinakaligtas na bilangguan.

Subalit ipinaliwanag ng kalihim na ang Sandiganbayan pa rin ang magdedesisyon kung saan dadalhin si Ang sa sandaling makauwi ng bansa.

Si Ang ay kapwa akusado ni dating Pangulong Estrada sa kasong plunder. May ulat na magiging "state witness" ng pamahalaan si Ang upang tuluyang madiin sa kaso si Erap.

Hindi pa tiyak kung anong petsa ang eksaktong balik ni Ang sa bansa dahil naantala muli sa ikaapat na pagkakataon ang pagdinig para sa petsa ng extradition nito. (Danilo Garcia/Grace dela Cruz)

Show comments