Rep. Satur hinarang sa NAIA

"Harassment!"

Ito ang naging pahayag kahapon ni House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Satur Ocampo laban kay Justice Secretary Raul Gonzalez matapos siyang harangin ng mga immigration authorities kahapon ng umaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Patungo sanang Japan si Rep. Ocampo kung saan nakatakda niyang isulong ang international campaign ng Bayan Muna laban sa naganap at nagaganap na extrajudicial killings at political persecution sa ilalim ng administrasyong Arroyo nang harangin ito sa NAIA habang pasakay sa Northwest Airlines flight NW 020 patungong Japan bandang alas-8:05 ng umaga.

Ayon sa abogadong si Neri Javier Colmenares, Bayan Muna general counsel na kasama ni Ocampo sa airport, ang ginawa sa mambabatas ay isa umanong ebidensiya ng patuloy na political persecution ng Arroyo government.

Sinabi ni Colmenares na walang hold departure order na pinanghahawakan laban sa paglabas ng bansa ni Ocampo.

Naniniwala ito na ang tunay na dahilan sa pagpapatigil ng DOJ sa pag-alis ni Ocampo ay upang hindi ito direktang makapagsalita sa mga miyembro ng Japanese Parliament at iba pang partido na kanyang kakaharapin sa Japan. (M. Escudero)

Show comments