Luzon, Metro Manila 5 beses niyanig: Lindol!

Limang beses na sunud-sunod na lindol ang naramdaman sa iba’t ibang bahagi ng Luzon at Metro Manila na nagsimula kamakalwa ng gabi hanggang kahapon ng umaga.

Sa panayam kay Dante Soneja-seismologist ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), ang lahat na mga pagyanig ay dulot ng paggalaw ng Eastern Segment ng Lubang fault malapit sa Boac, Marinduque na pawang tectonic ang pinagmulan.

Ang unang pagyanig ay naitala alas-10:30 nitong Biyernes ng gabi na may magnitude 5.2 sa Richter scale.

Naramdaman ito sa lakas na intensity 5 sa Batangas, intensity 4 sa Maynila at Lipa City, intensity 3 sa Makati at Lucban, Quezon gayundin sa Puerto Galera, intensity 2 sa Quezon City at Tagaytay City, Cavite.

Ganap na ala 1:27 ng madaling araw kahapon ay muling nakaramdam ng lindol sa magnitude na 3.7 sa Richter scale sa Lipa City, intensity 3 at intensity 2 sa QC, Muntinlupa at Talisay, Batangas.

Alas-6:09 ng umaga kahapon ay muling lumindol sa magnitude na 4.7 sa Richter scale at naitala ang intensity 2 sa QC at Maynila.

Sinundan ito bandang 10:53 ng umaga kahapon sa magnitude na 4.6 kaya naitala ang intensity 3 sa San Pablo Laguna, intensity 2 sa Tanauan, Batangas at intensity 1 sa Talisay, Batangas at Puerto Galera.

Dakong alas 11:46 ng umaga kahapon ay muling naramdaman ang lindol sa magnitude 3.8 kaya may pagyanig na may lakas na intensity 2 sa Talisay, Batangas.

Ayon pa kay Soneja, patuloy silang nakakapagtala ng mga aftershocks sa mga lugar na dumanas ng mga pagyanig.

Gayunman,sinabi pa nito na bagamat ang paggalaw ng Lubang fault ay nasa malapit sa Boac, Marinduque wala naman anya silang naitalang paglindol sa lugar na ito.

Itinanggi naman ni Soneja na ang sunud-sunod na pagyanig ay bunsod ng pagbabago ng klima ng panahon o taglamig dahil sa nalalapit na kapaskuhan.

Anya, walang kinalaman ang klima sa mga nararanasang paglindol sa bansa.

Ilang kritiko naman ang nagsasabing ang serye ng mga pagyanig ay dahil sa pagpaparamdam ng kalikasan sa tao na masyado nang nasisira ng tao ang kalikasan tulad ng pagkaubos ng mga kagubatan.

Ilan naman ang nagsasabi na nagagalit na ang ating Panginoong Hesukristo dahilan sa matinding away sa pulitika sa bansa.

Gayunman, pinayuhan ng Phivolcs ang publiko na ugaliin ang pag-iingat at maging mapagmasid sa paligid upang makaiwas sa anumang epekto ng anumang kalamidad na dumarating sa ating bansa. (Angie Dela Cruz)

Show comments