Batay sa dokumentong nakalap sa Sandiganbayan sa Quezon City, nabatid na naghain ng reklamo ang Rosemoor Mining and Development Corp. laban kay Mayor Edmundo Josie T. Buencamino bunsod ng paghingi ng "pass way fee" sa mga truck ng nasabing kompanya.
"Ang hakbanging ito ni Mayor Buencamino ay hindi sinusuportahan ng anumang resolusyon o ordinansa mula sa Sangguniang Bayan ng San Miguel," giit ni Constantino A. Pascual, may-ari ng Rosemoor sa kanyang sinumpaang salaysay.
Ang pahayag ni Pascual ay sinegundahan pa ng pagdedeklara ng Sangguniang Panlalawigan ng Malolos na walang bisa at legal na basehan.
Ayon pa sa ulat, hindi naman ang alkalde ang direktang nangongolekta ng "pass way fee" kundi isang umanoy Roberto Tabarnero.
Nabatid na maliban sa kasong "katiwalian" na isinampa ng Rosemoor, patung-patong din umano ang reklamo laban kay Buencamino na karamihan ay may kinalaman sa korapsiyon.
Napag-alaman na noon pang Agosto 14, 2006 pinatawan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ng anim na buwang suspension si Buencamino subalit naudlot ang pagpapatupad nito matapos ang tatlong araw nang maglabas naman ng temporary restraining order (TRO) ang Court of Appeals na may bisa ng 60 araw.