Sa kaniyang talumpati kahapon sa paggunita sa ika-23 anibersaryo ng kamatayan ni dating Senador Benigno Aquino, sinabi ng Pangulo na inatasan na niya si dating Supreme Court Justice Jose Melo na gawin ang lahat ng nararapat para mabigyan ng hustisya ang mga biktima ng political killing.
"Democracy in the Philippines will not stand for senseless political killing", pahayag ng punong ehekutibo.
Kabilang naman sa mga miyembro ng komisyon ay sina National Bureau of Investigation Director Nestor Mantaring, Chief State Prosecutor Jovencito Zuño, Bishop Camilo Gregorio, Senior Counsel Vinluan at Atty. Nely Gonzales.
Ayon sa Pangulo, ang komisyon ay direktang magsusumite sa kanya ng report, mga rekomendasyon sa pagpapataw ng parusa at mga panukalang batas para masugpo ang extrajudicial killing.
Bilang reaksyon, sinabi naman ni Armys 7th Infantry Division (ID) Chief Major Gen. Jovito Palparan na handa siyang humarap sa imbestigasyon ng Melo Commission. Si Palparan, tinaguriang berdugo ng mga militanteng grupo ay siyang inaakusahang mastermind ng mga pagpaslang sa mga biktimang militante.
" I have always said that I am willing to face any investigation, if they have the facts. These killings could have been perpetrated by other groups. Some want to get even with the New Peoples Army ", ani Palparan.
Sinabi pa ni Palparan na maging ang kaniyang mga tauhan ay handa niyang iprisinta sa imbestigasyon sakaling ipatawag ang mga ito ng Melo Commission.
Sa panig naman ni PNP Chief Director General Oscar Calderon, sinabi nito na handa silang makipagkooperasyon sa imbestigasyon ng bagong tatag na probe body.
"We will extend our full support and cooperation to allow the Commission to fulfill its mandate of consolidating interagency efforts to serve the end of justice to the victims", ani Calderon. (Lilia Tolentino at Joy Cantos)