Sa pagdinig ng Senate committee on labor and employment hinggil sa ibat ibang panukalang batas laban sa diskriminasyon sa mga miyembro ng third sex, nabigla sina Sens. Ramon "Bong" Revilla, Jr. at Jinggoy Estrada na may kolehiyo palang hindi tumatanggap ng bading sa kanilang paaralan.
Sa naturang hearing ay ibinunyag ni Jonas Bagas ang ipinapairal na "masculinity test" sa San Beda upang hindi makapasok ang mga bakla sa naturang paaralan.
Ayon kay Bagas ng Lesbian and Gay Legislative Advocacy Network, ang mga enrollees umano sa nasabing kolehiyo ay sinusuri muna kung makikitaan ng senyales ng kabaklaan bago tanggapin.
Kung bagsak sa masculinity test ang aplikante subalit mataas naman ang kanilang academic grade, papipirmahin naman ito sa "pink contract" kung saan hindi nila dapat labagin ang mga restrictions at kung hindi silay mapapatalsik.
Sa kabila ng masculinity test na ito, marami pa rin umanong mga bakla ang nakakapasok sa San Beda dahil sa pagkukunwaring mga tunay na lalaki.
Umaasa ang grupo na mapagtitibay ang panukalang batas sa Senado na magbibigay proteksiyon sa mga miyembro ng third sex. (Rudy Andal)