Nagtungo si Lt. San Juan kasama ang kanyang abugado sa tanggapan ni NBI-Special Task Force chief Reynaldo Esmeralda kung saan ay nagkaroon sila ng close door meeting sa loob ng 20 minuto.
Inimbitahan si San Juan sa NBI upang magbigay sana ng kanyang mga pahayag hinggil sa nabigong kudeta na iniimbestigahan din ng nasabing kagawaran.
Wala namang ibinigay na affidavit si San Juan bagkus ay pinili na lamang nitong manahimik na kabilang sa kanyang karapatan sa ilalim ng Konstitusyon.
Ayon kay Regional Director Esmeralda, gagamitin na lamang nilang basehan ang ibinigay na affidavit ni San Juan sa Armed Forces of the Philippines (AFP) kaugnay sa isinasagawa nilang imbestigasyon.
Samantala, iginiit naman ni AFP chief Hermogenes Esperon Jr. na ang lahat ng sundalong mapapatunayang sangkot sa rebelyon ay dapat makulong kahit kabilang dito ang kanyang mistah na si dating Marine Commandant Maj. Gen. Renato Miranda.
Nanindigan si Gen. Esperon na ang lahat ng mapapatunayang sangkot na sundalo kahit na ang kanyang mistah ay handa niyang ipakulong dahil sa paglabag sa batas. (Danilo Garcia/Joy Cantos)