Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), sakay ng Jordan Aviation JAV 3816 chartered flight A310 ang mahigit 200 Pinoy workers at umalis ang mga ito sa Damascus, Syria dakong alas-12:53 ng umaga kahapon at inaasahang darating kinagabihan matapos ang ilang mga technical stops sa Sharjah at Dacca.
Kabilang sa second batch ang 65 OFWs na naiwan sa Syria mula sa naitalang kabuuang bilang ng unang batch na nakauwi sa bansa noong Linggo.
Nabatid kay Foreign Affairs Usec. Esteban Conejos na ang ikalawang batch ng mga manggagawang Pinoy ay sinalubong ng mga kinatawan ng DFA, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at mga kaanak ng mga ito sa kanilang paglapag sa Villamor Airbase sa Pasay City.
Sinabi ni Conejos na magpapatuloy ang isasagawang repatriation sa mga manggagawa mula Lebanon.
Sinabi pa ni Usec. Conejos, araw-araw na ang inaasahang pagdating ng iba pang OFWs na inililikas ng gobyerno galing Lebanon sa loob ng 2 linggo.
Nauna rito, inihayag ni Pangulong Arroyo na may 500 pang Pinoy workers ang nakatakdang dumating ngayong linggo matapos ang pagdedeklara ng force evacuation sa Southern Lebanon kasunod ng pagpapalabas ng pamahalaan ng P150 milyong pondo para sa isasagawang mass evacuation at repatriation sa may 30,000 Pinoy sa nasabing bansa. May 2,000 namang manggagawa ang naitalang nasa Southern Lebanon kung saan nagaganap ang madugong bakbakan. (Ellen Fernando)