Mismong si Pangulong Arroyo kasama sina Foreign Affairs Sec. Albert Romulo ang sumalubong sa may 229 OFWs, kabilang ang isang 10-buwang sanggol at dalawa pang bata, bandang alas-2:35 ng hapon sakay ng Jordan Aviation JAV 3911 chartered plane mula Beirut via Damascus, Syria sa Villamor Air Base.
Sa sobrang excitement, hindi na nahintay pa ng Pangulo ang pagbaba ng mga manggagawang Pinoy kaya siya na ang umakyat sa nakalapag na eroplano at mainit na kinamayan ang mga Pinoy workers.
Sa kanyang maikling talumpati, pinasalamatan ng Pangulo ang lahat ng ahensiya na nagtulung-tulong upang masagip nang ligtas ang mga Pinoy workers na naipit sa tumitinding bakbakan ng Israel at Lebanon.
May 65 pang Pinoy ang naiwan sa Damascus, Syria at kasalukuyang inaayos ni Foreign Affairs Usec. Rafael Seguis at ng Philippine Consulate sa Syria ang hiwalay na arrangement sa kanilang pag-uwi.
Kamakalawa ay inatasan na ng Pangulo ang embahada at ang Presidential Middle East Preparedness Team na ilagay sa alert level 4 ang sitwasyon sa southern Lebanon matapos ilunsad ng Israeli Defense Forces ang ground invasion sa naturang lugar.
Samantala, ang mga nakauwing OFWs na malalayo ang probinsya ay tinulungan ng Overseas Wor-kers Welfare Administra-tion kung saan pansaman-tala silang natulog kagabi sa OWWA Center sa Pasay City. (Ellen Fernando)