Ayon sa report, alas-2 ng hapon dinala sa Cardinal Santos Medical Center sa Greenhills, San Juan si Pacquiao galing sa General Santos City upang dumalo sa isang meeting.
Subalit sa eroplano pa lamang ay nakakaramdam na ito ng sobrang pananakit ng tiyan na ayon kay Dr. Regina Bagsic ay isang uri ng gastro enteritis na sanhi ng gastro acid reflux o pangangasim ng tiyan. Dahil sa sobrang panghihina ay kusa nang nagpahatid si Pacquiao sa ospital.
Nabatid na matagal na itong sakit ni Pacquiao at maaaring muling sumumpong dahil sa mga kinain nito ng mga nakalipas na araw.
Napag-alaman pa na itinigil ni Pacquiao ang pag-inom ng gamot isang linggo bago ang laban niya kay Mexican Oscar Larios noong Hulyo 2.
Nakatakdang magtungo sa Estados Unidos si Pacquiao sa Agosto upang magsimulang mag-ensayo para sa ikatlong paghaharap nila ng Mexicanong si Erik Morales.
Kamakailan ay hinirang si Pacquiao bilang No. 1 boxer sa buong mundo ng mga foreign sports reporter. (Edwin Balasa)