Dahil dito kaya sinisiyasat na ngayon ng Senado ang tiwaling bilihan at umanoy sabwatan ng ilang mataas na opisyal ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Nabatid na kapag natuloy ang Transition Supply Contract (TSC) sa Meralco ay posible umanong malugi ng P500 milyon kada taon ang Napocor sa pagpasok ng YNN Pacific Consortium, isang dayuhang kumpanya.
Bago ipinasubasta ang Masinloc power plant at napasakamay ng YNN Pacific Consortium ang kontrata, kumikita ng humigit-kumulang P500 milyon kada taon ang gobyerno sa operasyon ng planta, sa ilalim ng pangangasiwa ng Napocor.
Nabunyag ang iregularidad sa bilihan matapos humingi ng palugit sa ikatlong pagkakataon ang bagong may-ari na YNN Consortium, upang mabayaran ang $227 milyon upfront o kulang para maisakatuparan ang bentahan ng Masinloc, partikular ang Ranhill Berhad, isang Malaysian firm.
Ayon kay Sen. Joker Arroyo, chairman ng Senate blue ribbon commitee, sa halip na kunin ang performance bond dahil matagal ng napaso ang kasunduan, pinipilit pa rin ng Power Sector Asset and Liabilities Management Corp. (PSALM) na isalba ang sitwasyon at pumayag na maging hostage sa lahat ng naisin ng YNN, patunay ang pagpayag itong palawigin ang naunang ibinigay na extension.
Unang binigyan ng extension ng PSALM ang YNN Consortium noong March 7, 2005 sa pamamagitan ng isang certificate of effectivity na magtatakda ng 270 araw para mabayaran ang 40% na kabuuang halaga ng planta, o $227 milyon.
Napag-alaman pang naantala ng 3 buwan ang pagbabayad kaya lumalabas na Dis. 2, 2005 ang deadline matapos magbayad ang YNN ng $11.2 milyon bilang performance bond.
Matapos manalo sa bidding na isinagawa ng PSALM noong Disyembre 2004, tanging $11.2 milyon ang idineposito ng YNN Consortium. Ang winning bid nitoy umabot sa $562 milyon, mas mataas sa $388 milyon na itinakdang bid price ng gobyerno subalit hanggang nayon hindi makumpleto ang pagbabayad nito.
Isinailalim sa isang bidding noong Dis. 1, 2004 ang 600 MW Masinloc coal-fired plant. Ito ang pinakamalaking asset ng Napocor na naibenta ng PSALM sa pamamagitan ng privatization effort ng gobyerno. (Rudy Andal)