Ayon kay Northrail president Jose Cortes Jr., personal na ininspeksiyon nina Zhang Chun, CNMEG director-general; Su Zhong, vice pres. ng Eximbank at Li Jichen, general manager for export credit ng Eximbank, ang Northrail site sa old PNR station sa Caloocan City.
Ang Eximbank of China ang nagkaloob ng soft loan na $421 para sa Northrail project kung saan ay magtatayo ng double-track railways sa old PNR right of way mula Caloocan City hanggang Malolos, Bulacan. Ang soft loan ng Eximbank of China ang pangalawa sa pinakamalaki nitong ibinigay na pautang sa Asya na babayaran ng Northrail sa loob ng 20 taon kabilang ang 5-year grace period sa 3% interest.
Nakatakdang magpirmahan ang Northrail at PNR para sa kanilang joint-venture agreement upang ipagamit sa Northrail ang right of way ng PNR mula Caloocan hanggang Malolos.
Bukod dito, magkakaroon din ng memorandum of agreement ang Northrail at Housing and Urban Development Coordinating Council sa pamumuno ni VP Noli de Castro upang sanayin ang mga kuwalipikadong relocatees ng proyekto upang makapagtrabaho ang mga ito sa naturang proyekto. (Rudy Andal)