Kahapon ay tumulak patungong Alaska sina Janet Belarmino, Carina Dayondon at Noelle Wenceslao, mga professional mountaineers at teammate nina Leo Oracion at Erwin "Pastour" Emata sa First Philippine Mt. Everest Expedition upang magsanay sa pag-akyat sa ilang mga bundok doon bago magtungo sa Nepal sa Mayo 2007.
Ayon sa tatlo, susunod sila sa yapak nina Oracion, Emata at Romi Garduce dahil kung kaya ng Pinoy ay kaya rin ng Pinay na umakyat sa tuktok ng mundo para iwagayway at itirik ang bandila ng Pilipinas.
Ipinagmalaki ng tatlo na may taas na 29,035 feet ang Everest at mahigit sa kalahati na nito, o 17, 500 taas, ang kanilang naakyat na kaya natitiyak nilang hindi sila masyadong mahihirapan sa pagtahak dito sa susunod na taon.
Kasama ang tatlo sa 3-buwang "acclimatization" nina Oracion at Emata kaya sanay na ang mga ito sa tindi ng lamig ng yelo sa nasabing bundok.
Ipinagmalaki pa nila na ang Mt. Apo na may taas na 10,311 feet at pinakamataas na bundok sa Pilipinas ay sisiw lamang kung akyatin nila.
Si Oracion ay unang nakaakyat sa tuktok noong Miyerkules, sinundan ni Emata noong umaga ng Huwebes at si Garduce kamakalawa ng tanghali.
Pansamantalang nabalam ang pag-akyat ni Garduce at pagbaba nina Oracion at Emata ng malalakas na hangin na umabot ng 55 kph. Pagkalipas ng snowstorm ay umusad na sila.