Ayon sa talaan ng Land Transportation Office (LTO), mahigit 42,000 motorista ang nahuli dahil sa paglabag sa Seat Belt Law o ang Republic Act 8750 sa first quarter pa lamang ng 2006.
Sa paglabag sa naturang batas, ang Region 3 ang may pinamakaraming apprehensions dito na may bilang na 12,070, ikalawa sa Region 4, 6,691 at sa Region 6 ay nakahuli ng 5,798 motorista.
Kaugnay nito, pinatindi naman ni LTO chief Anneli Lontoc ang kampanya kaugnay ng implementasyon ng naturang batas.
Inatasan din ni Lontoc ang mga regional director ng ahensiya na paigtingin ang kampanya sa Seat Belt Law at ilan pang batas trapiko na malimit na labagin ng mga motorista gaya ng obstruction, prohibited parking, unregistered o invalid motor vehicle registration, colorum at kawalan ng sasakyan ng certificate of registration at official receipt. (Angie dela Cruz)