Sinabi ni Transportation Undersecretary Cortes, aabot sa $25 bilyon ang siguradong investment ng isang grupo ng Chinese traders na darating sa bansa sa huling linggo ng Pebrero na nais mismo masaksihan ang full-blast construction ng Northrail.
Ayon kay Usec. Cortes, ang mga Chinese traders na ito ay handang mag-invest sa ating bansa matapos masiguro nilang matutuloy ang Northrail project na mag-uugnay sa Caloocan City hanggang sa Clark. Ang grupo ng Chinese businessmen na ito ay handang mag-invest sa railways, mining, agriculture, tourism at iba pang pagnenegosyo.
Wika pa ni Cortes, sa ngayon ay nagsisimula na sila sa konstruksyon partikular ang paglilinis sa dating PNR railroad track gayundin ang paglalagay ng mga pansamantalang pader upang maiwasang makabalik ang mga dating informal dwellers.
Ipinaliwanag pa ni Mr. Cortes, ang Phase 1 ng proyekto na 32-kilometrong 2-way narrow track system na magmumula sa Caloocan hanggang Malolos, Bulacan ay inaasahang matatapos sa loob ng 3 taon. Ang Malolos-Clark naman ay inaasahang matatapos sa 2010. (Rudy Andal)