Tax evaders babantayan ng DOJ

Nagbabala kahapon si Justice Secretary Raul Gonzales na hindi nila sasantuhin ang mga personalidad na may nakabinbin na kasong tax evasion sa kagawaran.

Ayon kay Sec. Gonzales, pagtutuunan ng pansin ng DOJ ngayong taon ang kasong tax evasion na isinampa ng Bureau of Internal Revenue (BIR) laban sa iba’t ibang artista, negosyante at kumpanya na umiiwas magbayad ng tamang buwis.

Ito ang naging reaksyon ni Gonzales sa ulat na bumaba ang koleksyon ng BIR sa nakalipas na taon kumpara sa inaasahang revenue collections.

Nilinaw naman ni BIR-Makati regional director Anselmo Adriano na nakakolekta sila ng mahigit P56 bilyon sa nakalipas na taon, mas mataas ng P8 bilyon kumpara sa kanilang revenue collections noong nakaraang taon.

Wika pa ni Adriano, inaasahang tataas pa ang kanilang revenue collections sa sandaling matapos ang final accounting ng kanilang revenue collections para sa buwan ng Disyembre.

Naniniwala naman ang DOJ na malaki ang maitutulong nito sa BIR para mabilis na maresolba ang mga kasong tax evasion laban sa mga artista, negosyante at kumpanya na hindi nagbabayad ng tamang buwis.(Grace dela Cruz)

Show comments