Vice Gov. ng Lanao ‘wag daw payagang mag-acting Gov.

Nais ni Lanao del Sur Governor Bashier Manalao na magpalabas ng kautusan ang Court of Appeals (CA) na magbabawal kay Lanao Vice-Governor Monera Macabangon na umupo sa puwesto ni Manalao bilang acting Governor.

Sa 20-pahinang memorandum ni Manalao na isinumite sa CA 15th Division, sinabi nito na dapat igalang ni Macabangon ang status quo order na pipigil sa 60-day suspension order laban sa kanya ng Ombudsman.

Pilit umanong iginigiit ni Macabangon ang karapatang maging acting Governor sa kabila ng kautusan ng CA.

Iginiit pa ni Manalao na kamakailan lamang ay nag-isyu ng temporary restraining order (TRO) o status quo si CA 15th Division Associate Justice Noel Tijam, upang harangin ang 6-buwang preventive suspension na ipinalabas ni Deputy Ombudsman for Luzon Victor Fernandez laban sa kanya.

Ipinaliwanag ni Manalao na umabuso si Fernandez sa pagpapalabas ng nasabing kautusan dahil ang lalawigan ng Lanao ay may awtonomiya bilang independent region, sa ilalim ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), batay sa Republic Act 7160 ng Muslim Mindanao Autonomy.

Samantala, sa 45-pahinang memo ni Vice-Gov. Macabangon, sinabi nito sa appellate court na nararapat na ibasura na ang petisyon at aplikasyon ni Manalao sa writ of preliminary injuction kaugnay sa suspension order ng Ombudsman.

Matatandaang nag-ugat ang kaso nang maghain ng reklamo si Macabangon sa Ombudsman kaugnay sa pagpasok ng kaanak ni Manalao bilang empleyado nito, na paglabag sa nepotism at kuwestyunableng pagbili ng mga ambulance at police mobile patrol.

Nilinaw naman ni Manalao na isang confidential staff ang kanyang kaanak na pinapayagan ng batas at ang pagbili umano ng mga sasakyan ay walang nilabag sa batas. (Grace dela Cruz)

Show comments