Sa resolusyon ng DOJ, isinampa ang kasong rebelyon laban kay Dawud at sa mga Abu Sayyaf leaders at miyembro ng Jemaah Islamiyah na sina Khadafy Janjalani; Jainal Sali alyas Abu Solaiman; Fatima Santos; Holarion Santos alyas Ahmed del Rosario; Abu Hamza; Abu Hamid al-Luzoni at 10 pa sa Makati Regional Trial Court.
Ayon sa prosecution, nagsabwatan ang mga naturang akusado upang maghasik ng gulo at terorismo sa ibat-ibang panig ng bansa, partikular sa Metro Manila upang pabagsakin ang administrasyong Arroyo at magtatag ng isang Separate and Independent Islamic State.
Nagsabwatan din umano ang mga ito upang makapagpuslit ng mga matataas na kalibre ng baril at pampasabog, kung saan ginamit ng mga ito noong February 14, 2005 para pasabugin ang RRCG bus sa Ayala, Makati City. Apat ang nasawi dito.
Si Dawud ay unang naaresto noong Marso 22, 2005 sa Cubao, Quezon City at sinampahan ng illegal possession of firearms sa Makati RTC subalit nakapagpiyansa noong April 26, 2005 sa tulong umano ng broadcaster na si Julius Babao.
Inaasahan naman ng DOJ na makakapagpalabas ng arrest warrant laban kay Dawud at sa mga kasamahan nito makaraang hindi pagbigyan ng prosecution na makapagpiyansa ang mga ito. (Grace dela Cruz)