Naiwasan ang tensiyon sa loob ng naturang sementeryo nang dumating ang mga ito sa magkakahiwalay na oras. Nabatid na alas-7:30 ng umaga nang unang dumating ang Pangulo kasama si First Gentleman Mike Arroyo, mga anak na sina Dato at Rep. Mikey Arroyo, habang wala naman ang bunsong anak na si Luli.
Dinalaw ng mga ito ang museleo ng angkan ng Tuason-Arroyo kung saan nakahimlay ang mga yumaong kaanak ng pamilyang Arroyo.
Tumagal lamang ng may 10 minuto ang grupo ng Unang Pamilya at agad na umalis upang dalawin naman ang puntod ni Pangulong Diosdado Macapagal sa Libingan ng mga Bayani. Nagawa pang makipag-usap muna ng Pangulo sa mga taong bumati sa kanya bago tuluyang lumisan.
Dakong alas-9 naman ng umaga nang dumating si Roces. Hindi tulad ng Unang Pamilya na nagawang maipasok ang kanilang sasakyan, naglakad si Roces papasok sa sementeryo.
Habang naglalakad ito ay nagsigawan ang mga tao ng "FPJ, FPJ" ngunit pinapayapa ang mga ito ni Roces at pinakiusapan na maging tahimik at gawing taimtim ang paggunita sa Araw ng mga Patay bilang paggalang na rin sa ibang mga dumadalaw sa kanilang mga kaanak. (Danilo Garcia)