Sinabi ni Justice Secretary Raul Gonzalez na imomonitor ng DOJ ang aktibidad ng "peoples court" na itinatag ng CCTA at pinamumunuan ni dating Vice Pres. Teofisto Guingona. Ang nasabing korte umano ang lilitis sa mga kasalanan sa bayan ni Pangulong Arroyo gaya ng election fraud, human rights violations at graft and corruption.
Ayon kay Gonzalez, kung gagawa ng "sedition" actions o pahayag ang CCTA, obligado ang DOJ na magsampa ng kaukulang kaso.
Nilinaw pa ni Gonzalez na ang ano mang gawin o sabihin ng CCTA na magpapaalab ng galit ng taumbayan sa pamahalaan ay maituturing na inciting to sedition.
Gayunman, binigyang-diin ng DOJ chief na hindi papanagutin ang media na mag-uulat sa aktibidad ng CCTA at peoples court dahil ginagarantiyahan ng batas ang press freedom.
"Sa ngayon ay ini-evaluate namin ang ginagawa ng CCTA at ang ano mang aksiyon ng gobyerno ay depende sa kanilang gagawin," ani Gonzalez.
Kamakalawa ay inihain ng CCTA ang "notice of proceedings" para kay Pangulong Arroyo subalit pinunit ng isang Palace official ang naturang subpoena.
Nakatakdang simulan ng peoples court ang unang proceedings nito sa Nobyembre 8. (Grace Dela Cruz)