Sinabi ni Mr. Cortes, undersecretary din ng Department of Transportation and Communications (DOTC), mahigit 2,000 personnel ang kakailanganin ng Northrail sa sandaling simulan ang konstruksyon ng 65-kilometrong riles mula Caloocan City hanggang Malolos, Bulacan.
Ayon kay Cortes, kasama sa kasunduan nila sa CNMEG ang pagbibigay ng prayoridad na bigyan ng trabaho ang mga naapektuhan ng Northrail project kaya sila ang pangunahing kukunin bilang mga trabahador sa konstruksyon nito na inaasahang tatagal ng 3 taon.
Bukod dito, wika pa ng Northrail president, mangangailangan din ang Northrail ng may 500 personnel para sa 6 stations nito at ang mga residenteng naapektuhan ng proyekto ang prayoridad dito.
Ipinaliwanag pa ni Mr. Cortes, mayroong livelihood program din ang pamahalaan para sa mga naapektuhang pamilya ng Northrail project na pangangasiwaan naman ng mga local government units at TESDA.
Aniya, pinatutunayan lamang ng Arroyo government na prayoridad pa rin nito ang magiging kabuhayan at kinabukasan ng mga residenteng naapektuhan ng Northrail project bukod sa pagbibigay ng relocation sites sa mga ito na pinangangasiwaan naman ni Vice President Noli de Castro at Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC). (Rudy Andal)