Pinoy todas sa ambus sa Iraq!

Isang Pinoy engineer sa Iraq ang iniulat na nasawi matapos tirahin ng rocket-propelled grenade ang kanilang sinasakyan ng mga militanteng Iraqi.

Sa ulat na nakarating kahapon kay Foreign Affairs Undersec. Jose Brillantes, hindi muna inihayag ang pangalan ng Pinoy maliban sa ito’y empleyado ng Lucent Technologies, isang US firm na nakabase sa Baghdad. Dalawa pang Arabo na kasama sa loob ng sasakyan ang namatay din habang isa pang Pinoy na nakilalang si Roderick Tayo ang sugatan.

Sinasabing papunta ang mga biktima sa kanilang "job site" sa bayan ng Kirkuk ng tambangan sila ng mga bandido. Nakaligtas umano sa mga bala ang tatlo subalit tinarget naman sila ng rocket-propelled grenade na naging dahilan ng kanilang pagkamatay.

Inutos na ni Foreign Affairs Sec. Alberto Romulo ang repatriation ng mga labi ng biktima at tiyaking makukuha ang mga benepisyo nito para sa kanyang naiwang pamilya.

Dahil sa panibagong insidente ng pagpaslang, muling umapela ang DFA sa may 6,000 OFWs sa Iraq na karamihan ay nasa Baghdad na lisanin na ang naturang bansa dahil sa matinding panganib doon.

Sinabi ni Brillantes na patuloy na nag-aalok ang pamahalaan ng libreng repatriation para sa mga Pinoy workers na nagnanais na bumalik sa Pilipinas mula sa Iraq sa ilalim ng "Voluntary Repatriation Program’ ng DFA.

Sa kabila ng umiiral na ban ay may mga nagtatangka pa rin tumungo sa nasabing bansa dahil na rin sa laki ng alok na sahod kahit nasa peligro ang kanilang mga buhay. (Ulat nina Ellen Fernando at Mer Layson)

Show comments