^

Bansa

LGUs: Impeach Gloria ibasura!

- Nina Ellen Fernando, Malou Rongalerios At Lilia Tolentino -
Hiniling kahapon ng lahat ng lokal na opisyal sa buong bansa sa Kongreso na itigil na ang isinasagawang impeachment proceedings laban kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo dahil lumalayo na umano ito sa paksa at ang kaso ay inaasahang maibabasura.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ng mga lokal na opisyal na kailangang ituon na lamang ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang lahat ng kakayahan nito upang resolbahin ang kinakaharap na problema ng bansa lalo na ang krisis sa langis na banta sa ekonomiya at katatagan pampultikal ng bansa.

Ayon kay Eastern Samar Gov. Ben Evardone, tagapagsalita ng League of Provinces, malinaw na walang patutunguhan ang impeachment complaint dahil lumilitaw sa unang round ng botohan sa Kongreso na 54-24 kung saan panalo pa rin ang majority.

Sinabi ni Evardone na ang pagkatalo ng oposisyon sa unang buhos ng botohan ay isang "knockout" para sa kanila kaya kinukuwestyon nito kung ano na ang kasunod nito. Nagbigay na rin aniya ng kanya-kanyang posisyon ang lahat ng miyembro ng House justice committee na sangkot sa impeachment proceedings.

Nanawagan pa si Evardone sa mga mambabatas na hinahangaan nito at nagsasabing rumirespeto sa "rule of law" na iabandona na ang kanilang layunin.

"Otherwise they will be isolated and spurned by the people who are sick and tired of the unabated political bashing and fault-finding," paliwanag ng gobernador.

Nilinaw pa nito na bagaman prerogatibo ng Kongreso na pag-usapan ang kasong impeachment, ang mga lokal na opisyal ang boses sa mga sentimiyento ng mamamayan sa buong bansa na umaapela sa mga mambabatas na itigil na ang proceedings.

Dapat aniya na mas magtulungan ang mga sektor ng gobyerno partikular ang Kongreso at Malacañang sa nakakaalarmang pagtaas ng presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado.

Sinabi rin ni Mayor Angelito Sarmiento ng San Jose del Monte City, Bulacan na hindi na rin interesado pa ang taumbayan sa magiging resulta ng impeachment at mas tinitingnan na nila ang kanilang kakainin.

"Hindi na puwede ang magpatumpik-tumpik sa isyung ito. Grabe na ang sitwasyon and only Congress itself can find the right responses," dagdag naman ni Albay Vice Gov. James Calisin, chairman ng Vice Gov. League of the Philippines.

ALBAY VICE GOV

BEN EVARDONE

EASTERN SAMAR GOV

EVARDONE

JAMES CALISIN

KONGRESO

LEAGUE OF PROVINCES

LEAGUE OF THE PHILIPPINES

MABABANG KAPULUNGAN

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with