Ayon kay Sen. Enrile, hindi dapat isama sa gagawing committee report ng public order and illegal drugs at games, amusements and sports, ang mga ginawang pahayag nina Zuce at Capt. Mendoza dahil wala namang koneksyon sa isinasagawang imbestigasyon ng Senado. Hindi rin anya dapat pinagsalita ang mga ito dahil may proper forum para sa kanila at hindi ang senate inquiry sa jueteng isyu.
Inakusahan ni Mendoza na sinabi raw ni dating Comelec Comm. Virgilio Garcillano sa isang inuman noong Enero 2004 sa resthouse ni dating Camarines Sur Gov. Luis Villafuerte na ibinigay na raw ni suspected jueteng lord Bong Pineda ang P300 milyon na galing sa jueteng kay Pangulong Arroyo para masiguro ang panalo nito sa May 2004 elections. Mahigpit namang itinanggi ni Atty. Roberto Abad, legal counsel ni Pineda, na nagbigay ng P300 milyon ang kanyang kliyente kay PGMA.
Naniniwala si Enrile na sapat na ang mga nakalipas na pagdinig ng Senado para makapaglabas na ng committee report ang mga komite ni Sen. Manuel Villar Jr. at Sen. Lito Lapid ukol sa jueteng. (Ulat ni Rudy Andal)