Ayon sa ulat, bumili ng kakaning mula sa kamoteng-kahoy ang mga estudyante nang mag-recess ang mga ito bandang alas-11:45 ng umaga kahapon sa isang vendor sa labas ng San Jose Elementary School sa Mabini, Bohol.
Biglang sumama ang pakiramdam, matapos silang kumain ng kakanin, ang may 150 mag-aaral kaya dali-daling isinugod ang mga ito sa ibat ibang pagamutan sa nasabing lalawigan.
Ang 30 estudyanteng ito na mula grade 1 hanggang grade 6 na nakakain ng nasabing kamoteng-kahoy na pitsi-pitsi, maruya at ice candy na bitter-type at posibleng nagtataglay ng hydrocyanide acid ay agad binawian ng buhay habang nasa malubhang kalagayan naman ang mahigit 50 iba pa kabilang ang vendor ng kamoteng-kahoy.
Labing-apat ang nasawi sa clinic habang 13 ang dead on arrival naman sa Don Aguinaldo hospital at ang 3 ay namatay habang dinadala sa pagamutan.
Hiniling agad ni Mabini Mayor Stephen Ranchez na i-preserve ang natitirang mga panindang kamoteng-kahoy na siyang nakalason sa mga mag-aaral upang masuri ito ng mga eksperto partikular mula sa Department of Health at Bureau of Food and Drugs (BFAD).
Aniya, posibleng ang mga kamoteng-kahoy na ito ay naitamin sa isang industrial site na kontaminado ng mga nakakalasong kemikal na humalo dito.
Iimbestigahan ng mga awtoridad ang natitirang mga kakaning kamoteng-kahoy upang alamin kung ano ang tunay na dahilan ng pagkalason ng mga batang mag-aaral. (Ulat nina Joy Cantos at Rudy Andal)