Sa ginanap na unang pagdinig, kinatigan ng Comelec ang kampo ni Barbers na bilangin ang mga huling boto mula sa lalawigan na nagsagawa ng special elections upang mapatunayan na siya ang nagwagi sa nagdaang halalan at kabilang sa Magic 12.
Inirekomenda ni Comelec Commissioner Rufino Javier na idaan na lamang sa bilangan ang labanan sa pagitan nina Barbers at Biazon upang maresolba ang nasabing apela.
Napagpasyahan ng Comelec na magsumite ang bawat kampo nina Barbers at Biazon ng kani-kanilang bilang ng boto hanggang Biyernes na siyang pagbabasehan ng komisyon.
Wala namang umapela sa magkabilang kampo sa nasabing desisyon ng Comelec.
Kasabay nito, naghain naman si Biazon ng kanyang mga ebidensiya na nagpapatotoo umano ng pandaraya ng kampo ni Barbers.
Base sa dokumento, may mga precinct sa katimugang bahagi ng Maguindanao kung saan may tig-100 boto ang naidagdag sa boto ni Barbers.
Sinabi naman ng kampo ni Barbers na peke at improvised ang mga dokumentong isinumite ni Biazon.
Iprinoklama si Biazon ng Comelec kasama ang 15 partylists noong Hunyo 2 matapos na makakuha ito ng 10,635,272 boto habang si Barbers na nasa ika-13 puwesto ay may botong 10,624,585.
Ang nasabing bilang ay ibinase mula sa panghuling dumating na certificate of canvass (CoCs) mula sa Cotabato City at Lanao del Sur. (Ulat ni Ellen Fernando)