Nabulabog kahapon ang Korte Suprema dahil sa inakalang bomba ang laman ng isang paper bag na umano'y regalo para kay Chief Justice Hilario Davide Jr. na ipinadala raw ng isang nagpakilalang abugado na naglalaman lamang pala ng mga panty at bra.
Nabatid kay Danilo Pablo, chief security officer ng Supreme Court (SC), dakong 5:43 kahapon ng umaga ng isang lalaki ang kumausap kay SC security officer Giorgio Alvarez at sinabing may ibibigay itong regalo kay Davide at mabilis na inilapag sa harap ng gate ang isang selyadong paper bag saka umalis.
Pero nakarinig si Alvarez na parang may tumutunog na timing device sa loob ng supot kaya agad itong tumawag sa Western Police District-Explosives and Ordnance Division (WPD-EOD) at dinetonate ang inaakalang bomba.
Subalit laking gulat naman ng mga ito ng sumambulat sa kanilang harapan ang mga bra at panty, lumang relo, hanger, wallet at nail cutter.
Ayon naman sa mga security personnel ng SC na posibleng may sira sa pag-iisip ang lalaki na nagdala ng regalo o maaaring sinusubukan lamang sila kung handa ang mga ito sa anumang uri ng pagbabanta.
Bunsod sa nasabing insidente kaya humingi ng karagdagang puwersa ng kapulisan ang pamunuan ng SC upang siyang tutulong sa pagbabantay sa bisinidad ng Korte at sila ring mag-inspeksiyon sa mga gamit ng papasok dito. (Ulat ni Gemma Amargo)