'Pinas kasama sa binantaan vs terorismo

Panibagong banta na naman ng terorismo ang ibinabala sa Pilipinas at iba pang bansa sa Asia Pacific Region na sumusuporta sa anti-terrorism campaign na inilunsad ng Estados Unidos.

Base sa liham ng grupong nagpakilala sa bansag na "Yellow-Red Overseas Organization" na natanggap ng mga embahada ng South Korea at Pakistan sa Bangkok, Thailand, nagbanta ang naturang kaalyado ng al-Qaeda na aatake sa mga pangunahing instalasyon ng Australia, Japan, Kuwait, Pakistan, Singapore, South Korea, Thailand at Pilipinas sa pagitan ng Abril 20 hanggang 30 ng taong ito.

Nabatid na kabilang sa mga pinagbabantaang atakihin ay ang mga embahada, air flights at iba pang mga pamosong lugar ng nasabing mga bansa.

Sa ipinalabas namang babala ni Prime Minister Goh Kun, South Korean acting head of state, sinabi nito na kabilang sa mga potensiyal na atakehin ng mga terorista ay ang mga bansang sumusuporta sa US-led war laban sa Iraq.

"Well, mabuti naman they warned us. We are prepared for it," pahayag ni Defense Secretary at National Anti-Terrorism Task Force chief Eduardo Ermita na nagsabi pang nagsasagawa na ng kaukulang ‘security measures’ ang pamahalaan upang mahadlangan ang pag-atake ng mga teroristang grupo.

Dinoble rin ang seguridad sa mga lugar na posibleng targetin kasabay ng pag-apela sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad para masupil ang terorismo. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments